NIA, MAHIGPIT NA BINABANTAYAN ANG PANTABANGAN AT MAGAT DAMS SA PATULOY NA PAG-ULAN

NIA Central Office – Mahigpit na binabantayan ng National Irrigation Administration (NIA) ang lebel ng tubig sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija at Magat Dam sa Isabela, kasunod ng umiiral na Southwest Monsoon o Habagat at epekto ng patuloy na pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa.

Batay sa Daily Water Level Report ng NIA Central Office Command Center, naitala ngayong Agosto 18, 2026, 8:00 ng umaga, ang water level ng Magat Dam sa 178.27 meters above sea level (masl). Ito ay bahagyang mas mataas kumpara sa 178.01 masl noong Agosto 15, 177.94 masl noong Agosto 16, at 178.06 masl noong Agosto 17.

Samantala, ayon sa ulat ng NIA ngayong araw, ang Pantabangan Dam ay may water level na 187.72 masl, mula sa 186.10 masl noong Agosto 15, 186.56 masl noong Agosto 16, at 187.23 masl noong Agosto 17.

Sa kasalukuyan, walang nakabukas na spillway gate sa dalawang dam at walang naitalang spill discharge.

“Batay sa paunang monitoring ng NIA, wala namang naiulat na malawakang pinsala sa mga pananim na palay. Karamihan sa mga ito ay nasa yugto pa lamang ng paglaki at pagsusuwi (vegetative stage), kaya hindi pa gaanong sensitibo kumpara sa panahon ng pamumulaklak at pagbuo ng butil (flowering stage),” pahayag ni NIA Administrator Eduardo Eddie G. Guillen.

Sa pangkalahatan, naging kapaki-pakinabang sa sektor ng irigasyon at agrikultura ang mga pag-ulan dahil nakatutulong ang mga ito sa muling pagpuno ng ating mga dam at reservoir. Dahil dito, nadaragdagan ang reserbang tubig na magagamit para sa patuloy na irigasyon ng mga sakahan sa mga susunod na buwan.

“Ang naipong tubig sa Magat Dam ay katumbas po ng humigit-kumulang 90,000 hectares na maaaring mapatubigan, habang nasa 100,000 hectares naman ang katumbas nito sa Pantabangan Dam. Malaking tulong din ito sa mga pananim na naapektuhan ng El Niño, partikular sa Isabela at Cagayan, na ngayon ay nakababawi na. Ang dalawang dam na ito ay kayang makapag-ambag ng tinatayang 950,000 metric tons (MT) ng palay, na halos katumbas ng P25 bilyon”, dagdag pa ni Administrator Guillen.

Gayunman, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng NIA sa water level ng mga dam, kalagayan ng mga pangunahing pasilidad ng irigasyon, at mga sakahang maaaring maapektuhan ng pagbaha o matagal na pagkakalubog. Nakikipag-ugnayan din ang Ahensya sa mga Irrigators Association (IA) at iba pang kinauukulang tanggapan upang matiyak ang maagap na pagtugon, ligtas na pamamahala ng yamang-tubig, at maaasahang suplay ng patubig at produksyon sa mga sakahan, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

#bayaNIAn sa #BagongPilipinas