1,821 magsasaka makikinabang sa Hibulangan Dam sa Leyte

NIA Region VIII — Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong Abril 30, 2026 ang Hibulangan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Bayan ng Villaba, Leyte, na magbibigay ng buong taong patubig sa 1,821 magsasaka at magsisilbing panangga laban sa inaasahang tagtuyot.

Dumalo sa nasabing kaganapan ang mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA), mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mga lokal na opisyal, mga pinuno ng Irrigators’ Association (IA), at mga magsasaka.

Sa kabuuang halagang P1.12 bilyon, ang Hibulangan SRIP ay magbibigay ng maaasahang serbisyong patubig sa 2,750 ektarya ng lupang sakahan sa mga bayan ng Villaba, Matag-ob, at Kananga. Pinondohan ito sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) at natapos sa ilalim ng termino ni Pangulong Marcos.

Itinuturing na makabagong imprastraktura sa irigasyon, nakaayon ang proyekto sa bisyon ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas at sa pinaigting na programa ng administrasyon tungo sa seguridad sa pagkain at katatagan ng sektor ng agrikultura. Nakabatay rin ito sa 7-Point Strategic Policy Agenda ni NIA Administrator Engr. Eddie Guillen, partikular sa Irrigation Infrastructure Development.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni NIA Senior Deputy Administrator Engr. Robert C. Suguitan ang kahalagahan ng participatory approach sa pamamahala ng irigasyon. Bagama’t mananatili sa ilalim ng NIA ang pamamahala sa dam, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga IA sa Operation and Maintenance (O&M) ng mga sistemang pang-irigasyon. Sa pamamagitan nito, masisiguro ang tuluy-tuloy at napapanatiling suporta sa patubig na magpapataas sa produktibidad ng mga magsasaka.

“Ang NIA, sa pamumuno ni Administrator Eddie Guillen, ay mananatiling tapat sa aming tungkulin. Ang pamamahala ng dam ay aming sisiguraduhin, habang ang operasyon at maintenance ng mga kanal ay isasagawa kasama ang ating mga IA sa ilalim ng Irrigation Management Transfer,” ani Engr. Suguitan.

Isa sa mahahalagang bahagi ng proyekto ang isang 25-metrong taas na zoned earthfill dam na may crest length na 247.5 metro at reservoir capacity na 9.01 milyong cubic meters, na idinisenyo upang mapakinabangan ang topograpiya ng rehiyon. Kabilang din dito ang malawak na irrigation network na binubuo ng 25 kilometro ng main canals, 15.89 kilometro ng lateral canals, limang lateral systems, at 498 irrigation structures na layuning tiyakin ang episyente at patas na distribusyon ng tubig sa mga sakahan.

“Bahagi ito ng mas malawak na layunin ng NIA na palakasin ang irigasyon sa Region VIII. Sa kasalukuyan, 79.50% na ng irrigable area sa rehiyon ang napapatubigan. At dito sa Leyte, umabot na tayo sa 91.25%. Ibig sabihin, tuluy-tuloy ang ating laban para sa food security. Tuluy-tuloy ang ating pagkilos para sa masaganang bukid,” dagdag ni Engr. Suguitan.

Bukod sa inaasahang pagtaas ng produksyon ng palay, inaasahan ding makatutulong ang Hibulangan SRIP sa pagsusulong ng crop diversification, pagpapalakas ng climate resilience, pagpapataas ng ani ng mga magsasaka, at pagpapasigla ng lokal na ekonomiya. Ang lahat ng ito ay nagpapaigting sa kaunlarang pang-agrikultura sa Eastern Visayas.

#RightProject #RightPrice #RightQuality

#bayaNIAn sa #BagongPilipinas